Mga ideyang humaplos lang sa aking isipan at ginawang sulat, minsan pangbaliw, minsan pang-masa, kayo na bahala humusga. Hindi ko hinihingi ang inyong papuri, gusto ko lamang ipahayag ang aking ideya o saloobin sa iisang bagay.
Sabado, Enero 3, 2015
Paano Lumabas Ang Ideya?
Base sa aking personal karanasan, maraming butas ang nilalabasan ng ideya. At dahil lumalabas siya, kailangan mo itong ilimbag sa papel o kahit saan dahil kapag hindi, lilipad na lang ito palabas sa iyong isipan at magtatampo, tapos hindi na magpapakita.
Maraming proseso ang pagpapalabas ng ideya, isa rito yung pagbabasa mo ng libro(dito ako nagsimula), dahilan din ito ng pag-usbong ng aking kaadikan sa pagsusulat. Ang sarap magbasa ng libro, dito may malalaman kang hindi tinuturo ng ating paaralan. Dito ka lumalaki at dito rin nagsisimula ang pagka-uhaw mo sa kabaliwan ng ating mundo.
Siyempre, hindi lang jan nagtatapos ang paglabas ng iyong mga ideya. Ma-uumay ka din magbasa ng libro kapag sobrang tagal at sobrang dami na ng iyong nababasa. Dito uusbong ang ibang butas para makakuha ng ideya. Sa aking pagtatanga sa harap ng kompyuter, lagi akong nagpapatugtog ng mga paborito kong musika. Kapag naririnig ko ang liriko ng kanta, nagkakaroon ako ng ideya. Sinasabay ko pa nga sa pagsusulat ang musikang nagtatalik sa tenga ko. Nararamdaman ko ang mood ng kanta at isinusulat ko hanggang sa makakaya ko kung ano ang nararamdaman ko. Doon, mabubuksan ang isang butas, ang pagsusulat mo ng mga pakiramdam.
Kay rami ng mga proseso para mabuksan ang iyong mga butas. Pagtingin mo sa ka-ulapan, sa kapaligiran, sa mga naririnig mo habang naglalakad, sa pagtanga mo habang naghihintay ang inyong guro, sa pakikinig mo sa mga kwento ng iyong mga tropa at sobrang dami pa. Ngunit mayroon akong paboritong butas, literal din itong lumalabas sa aking butas. Anu nga ba iyon?
Ito yung pagyoyosi ko sa kwartong kay puti kung saan may trono akong inuupuan. Tahimik dito, hininga ko at agos lang ng tubig ang naririnig. Dito ko nilalabas lahat ng sama ng aking loob. Kasabay dito ang paglabas ng mga nakakabaliw na ideya(katulad nito). Dito ako nakakapag-isip nang mabuti tuwing lumalabas ang bulwak ng katotohanan. Dito pumapasok lahat ng ideya ko at depende na lang sa akin kung alin ang pangangahawakan ko. Minsan nga para akong baliw na tumatawa, minsan din naman para akong tangang umiiyak. Marami na kaming pinagsamahan ng kwartong ito. Minsan nga'y kinakausap ko pa siya at nagugulat akong may kumakatok sa pintuan, may boses na nagsasabing, "AKO NAMAN!" at tsaka ako lalabas.
Sa aking paglabas dito na ako magsusulat tila yata ako'y isang makina na tuloy-tuloy nagsusulat. Hindi ko na iniisip ang mga sinusulat ko. Magugulat na lang ako, may obra na ako. Dito, binabasa ko ulit, tinatama ang alam kong mali ngunit minsan ay may mga hindi ako napapansin(pasensya na). Sa pagsusulat ko, dito ako lumalaki. Pasalamat nga akong nalaman ko ang ganitong masarap na gawain--na ikaw mismo ang Diyos ng iyong pagsusulat. Ikaw bahala kung paano mo lalaruin ang mga letrang nagtatalik sa isipan mo. Kasalanan ito ni Princess kung bakit bigla kong naisipan isulat ang istilo ko kung paano kumuha ng ideya.
Sa aking pagtatapos(hindi ko alam tapusin), sana'y naging masaya kayo sa pagbabasa ng isa sa mga ideya ko. Sulat lang kayo nang sulat. Isulat mo ang iyong mga nakikita, isulat mo ang iyong mga naiisip, isulat mo lahat kahit ang pangungulangot mo. Tignan mo sa ibang perspektibo, ang pagtingin ay hindi lamang diretso o kaliwa't kanan. Maraming anggulo ka dapat tignan upang makagawa ng nakakabaliw na obra. Ulit, Maraming Salamat sa pagbabasa.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)