Huwebes, Nobyembre 27, 2014

Pagbalik sa Nakaraan



Dating mala-berdeng tanawin
Sa tinatawag na Pugad Lawin
Ngayo'y puno na ng gusali
Naging garahe ng sasakyan

Dito sa amin dati,
Maraming taong nagkakasayahan
Pero ang oras na ang nagdikta
Ito na ngayon ay ang aming kasaysayan

Sa kabilugan ng buwan,
Kami ay nag-iinuman at nagtatawanan
Tunog ng gitara hindi mawawala
Kahit ang kapitbahay ay magwala

Ngayon, hindi na ito maranasan
Iba'y umalis--lumisan
Iba'y naghanap ng ibang tropa
Dahil sa kanilang tamang hinala

Aming tropahan na hindi matibag
Hanggang ngayon ay nabubuhay
Kahit gaano kasikip ang pagkakataon
Kami mismo ang nagpapaluwag

Sa isang sikretong pagkikita
Doon muli nagkakasayahan
Wala nang nakakakita--
Ngunit meron parin naghihinala

Oh! asan na ang mga punong sinisilungan
Asan na ang aming karapatan?
Hindi naman sila kabilang sa aming lahi
Bakit sila pa mismo ang sadyang naghahati?

Katahimikan ng Pugad dati hindi ko na marinig
Dahil sa makina at tambuchong nananaig
Umaga, tanghali, at gabi
Tunog ng sasakyan naririnig sa tabi

Biyernes, Nobyembre 14, 2014

Katapusan

Puso mong umiiyak,
Utak na ginigiyang
Alak na pampadulas
Upang ala-ala ay kumupas

Pinagsamahang matagal
Nauwi sa pagkasira
Ala-alang sumasampal
Paghinga'y pinapahirap

Ang sarap isipin ang masasayang ala-ala
Mga hiyawan, yakapan, at tawanan
Ang sakit isipin ng ating sinapit
Nagsimula sa hinala, away at hiwalayan

Sana sa iyong paglisan ika'y bumalik
Pero hindi dahil sa matatamis mong halik
Kundi ang salitang magpapatahan
Sa iniwan mong kasiraan

Sabado, Nobyembre 8, 2014

Tenga sa Paligid

Ikaw ay mag-iingat sa mga hampaslupa
Kayang kaya nilang ikaw siraan
Upang sila'y sang-ayunan ng lipunan
Mga taong walang katuturan--
Mga taong daig pa ang puta

Karamihan ay malalaki ang suso
Kaso may tinatago sa nguso
Mga salitang binitawan
Wala pang basehan
Ngunit putak ng putak

Karamihan sila yung nagtitinda
Tatanungin ka ng mga katanungan
Kukulitin ka para sumagot
Upang malaman ang informasyon
At ikaw naman ay malalagot

Hindi na lang pabayaan ang ibang tao
Gawin ang gusto ng hindi sinasabi
Tama nga sila, buti ang unggoy
Alam na unggoy sila, pero ang tao--
Marunong ba magpakatao?

Maraming dapat problemahin sa mundo
Sa Pasig, Makati pati rin sa Tondo
Dapat ideya ang pinagkwekwentuhan
Hindi ang buhay ng tao na wala namang
Katuturan--dapat patayin tong mga nilalang

Malala pa sa media magbalita
Malala pa sa gobyerno magmanipula
Ng bobong kaisipan ng Pilipino
Kaya ang ating lipunan hindi matino
Dahil sa mga taong ganito


Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Mapaglarong Tadhana

Oh, mapaglaro tadhana
Dis oras ng gabi ako iyong ginambala
Sa hindi makalimutang pangyayari--
Nakaupo sa sulok ng Andoks
Hindi ko na pinansin ngunit meron nagsabi


Ako itong taga-alok ng alak
Binibilang ang ikot na lumilipad
Ako pa mismo ang nawarak--
Dumilim ang tanawin sa aking nakita
Dinaan sa halakhak ngunit tang ina


Dama ko ang kanyang pag-iwas--
Binale wala--nagmistulang tanga
Nagkatotoo ang hinala sa aking nakita
Alak sa isipan kong ginigiyang
Bigla itong lumisan--nawala


Sa Chickboy nagpapansin
Tumingin sa huling pagkakataon
Sa salitang binitawan ng pagkakabaon
Aking huling hiling: maging masaya
Sa pagkakataon na tinapon

Martes, Nobyembre 4, 2014

Ulap sa Ilalim ng Buwan

Nakikita kita--ilaw mong nakakasilaw
Gusto kitang mapuntahan mahagip ng iyong ilaw
Sa kagandahan mo--ako'y natutunaw
Gusto kong lumapit upang lalong matanaw

Hangin pakanluran ang tangi kong daan
Sa iyo--umaasang mapunta sa paroroonan
Sinugal ang aking mga hamog
Umaasang mapunta sa ilalim ng bilog

Nararamdaman ko na ang init ng iyong pagmamahal
Pinapakiramdaman ang iyong mga haplos
Sa kagandahan na pinakita mo ngayon,
Ako'y magiging napakagandang unos

May taga-lupang nakasaksi sa atin,
Tayong dalawa ang naghahawak ng kamay
Ang kadiliman ng aking mundo binigyan ng kulay
Kanyang sulat ang magbibigay ng pugay

Ang kadiliman ng ulap at silaw ng buwan,
Sa saglit na sandali--inspirasyon ang pinagmulan
May mga bagay-bagay na sandali lamang mararamdaman
Ngunit sa sandaling hinintay--hindi mo pagsisihan




Sabado, Nobyembre 1, 2014

Pagpapakulot sa Mt. Maculot(Day 1)

Unang Araw

Hindi ko inaasahan na makakasama ako sa paglalakbay na ito ; andaming hadlang ngunit nalagpasan ko ito. Isa na sa mga hadlang ay ang pag-uulul sa akin ng aking isipan sa gabing bago ang aming paglalakbay, kaming mga PUPTAE. Hindi ko alam kung anung oras na iyon pero sa hindi ko malamang kadahilanan, nakatulog ako at gumising ng huli na sa pinagusapang oras. 6:30 ang aming usapan ngunit dumating na ako ng mga ala-siyete na. Balita ko nga 5:30 pa lang ay andun na sila sa Isetan, Cubao.Buti na lang at di sila nainis sa akin. ni hindi ko na nga naramdaman ang sarap ng aking umagahan at kape. Nagmamadali akong kumilos kasabay pa ng pagtakas ko sa aking natutulog pang tatay. Hindi pa nagtatapos yan. Sa paglabas ko sa aming kanto, walang masakyang bus, andaming tao sa sakayan. Naglakad ako, dala-dala ang sako ng aking tabla na may lamang mga kagamitan papuntang Muñoz, dun ako sumakay papuntang Cubao.

Nagmamadaling naglalakad ngunit hindi napapagod, ito ang kasabay ng aking pagkagalak na makita muli ang mga tropang nagpaintindi sa akin kung anu ang kalikasan. Ito muli ang mararamdaman, hindi alam kung ano ang mararamdaman sa hindi pa napupuntahang lugar. Anu kaya ang kakaibang karanasan na tatak sa aming puso't isipan sa nakatakdang pag-akyat? ito ang katanungan sa isip ko bago ko sila makita, nawala ito ng biglaan. Nagpapasalamat ako kay Mark na siya ang nagpahiram sa akin ng kanyang bag. Dali-dali kong inayos ang aking kagamitan at sumakay ng bus papuntang Lemery, Batangas.

7:30 - Ang Pag-alis

Bago ang pagsakay namin ng bus papunta sa aming paroroonan, may kasabay kaming matandang babae na may hawak na aso. Mocha ang ngalan ng hawak ni nanay, ayaw pasakayin sa loob ng bus. Tama nga naman, isa iyon sa policy ng kumpanya ng bus. masasakay siya ngunit doon lamang sa lalagyanan ng bagahe. Naisip naming baka mamatay siya dahil sa labis na init na naroon. Bahala na. Umakyat na kami, nakapwesto kami sa likod bus. Dalawa ang T.V, isa sa harap, at isa sa dulo. Maganda ang movie na aming pinapanuod. Tinapos namin ito ngunit hindi alam ang pamagat. Basta may tungkol ito sa isang marunong sa martial arts, Tai Chi, na ang kaaway niya ay si Keanu Reeves na bida sa "The Matrix."

Maingay kami sa loob, tila parang kami lamang ang tao sa loob ng bus. Hindi naman sila umaalma, natutuwa pa nga sila. Lalo na't ang mga gising sa amin ay natural nang makulit. Sa labis na pagkagalak, ang pag-iingay lamang ang sagabal sa aking pag-iisip nito. Sumunod na ipinalabas ay ang "Mahirap Maging Pogi" ni Andrew E. Sa simula lang namin ito pinanuod kasi ang iba ay natutulog na at ang iba ay nakatungaga, pinagmamasdan sa bintana ng bus ang kalikasan.

9:30- Ang Pagdating

Sa bandang parte kami ng Jollibee binaba at sumakay ng jeep papuntang Lemery. Sa dami namin at laki ng bag namin, parang amin lang ang jeep na sinasakyan. Kakaiba ang accent ng mga tao dito at may mga salitang hindi ko maintindihan pa. Kapag titingin ka sa mga kababaihan ng Batangas ay ngingitian ka nito at masasabi mo na lang "Aba, kay ganda ng kababaihan sa Batangas" tapos gagayahin mo na lang yung pagsasalita nila. Mga ilang minutong biyahe lang ay bumaba na rin kami. Ang mahal ng pamasahe P22.00, buti na lang sa bus may discount para sa mga studyante(daw). Mula 150 ay naging 105.50, o diba? laking menos.

Ibinaba kami sa tapat ng Angel's Burger, doon nakita namin ang 7-11 na pinalulubutan ng mga kapwa mountaineer. Dito namin tinanong kung saan ang jump-off at ang sagot nila ay isa halakhak. Nakakainsulto pero naisip kong baka sabog lang ito, kitang-kita sa damit niya ang Marijuana sa itim niyang damit. Hinayaan namin tong mga mokong na ito. Pumasok ako at bumili ng Fortune Lights dahil Fortune Lover ako kapag nasa tuktok ng bundok. Isa sa masarap gawin doon ay magyosi at mag-inom. Walang mahanap na alak kaya't naghanap muna ang iba naming kasama. Bumili na rin kami ng bigas at asin para sa iinuming Tequila. Lahat ay nagugutom, binalikan namin si Angel's Burger. Kakaibang ang Angel's dito, alam mo bakit? Kung sa iba ay unang kagat ay tinapay lahat, dito sa Batangas, baliktad: Sa Huling Kagat, tinapay lahat.
7-11
Munisipalidad ng Cuenca, Batangas

Presinto


Pagtapos kumain ay naglakad kami papuntang munisipalidad ng lugar na aming kinatatayuan. Doon muna kami nagpunta at nagtanong sa mga pulis kung saan namin kailangan pumunta. Sa loob, pinapirma kami with matching picture para sa aming paglalakbay. Akala namin pagtapos doon ay tapos na ang registration. Sumakay kami ng Tricycle papuntang registration, sa Barangay Siyete. Sa maliit na outpost kami pinunta ng drayber. Bumaba kami dahil isusulat namin ang aming pangalan. Pagbaba ko sa tricycle ay napansin ko yung mga tao sa gilid, mga nakakulay orange at yung isa naman ay nakasandong puti na may tattoo. Tinanong ni Tonying kung kailangan ng guide, at sinabi nung nagbabantay doon. OO daw. Nakipagtalo si tonying dahil sabi sa presinto ay hindi kailangan. Tinanong samin kung anu ang pangalan ng pulis at parang may masama silang balak. Habang tumatagal ang usapan ay tumataas ang tensyon sa registration. Yung matandang nakaputi ay nakita kong binuksan niya yung maliit niyang shoulder bag at parang may nakita akong baril, mukhang Desert Eagle pa nga. Hindi ito napansin ng iba ngunit ako ay handa na sa mangyayari. Buti na lang at naayos na ang lahat. Nagkaroon ako ng pagkakataon upang masuri ang kanyang tattoo, ito ay nakasulat na "The GodFather" tapos may hindi mapaliwanag na kulay pulang design at sa baba nito ay mga pangalan; ang iba ay may ekis na at ang iba ay wala pa.

Sumakay na kami ulit ng tricycle, pumunta sa jump-off ; sa kabilang daan paakyat ng bundok ngunit nung pagdating namin doon ay hindi kami pinapasok. Biglang na-badtrip ang aming guide na si kuya Ed Puso, hindi kami pinapasok kasi doon kami naka-register sa kabila. Dapat doon pala. May agawan ng mga mountaineer dito sa lugar na ito. Ito ang nararamdaman ko. Pinabayaan na lang namin sila at naglakad kami muli papuntang registration, tapos ay lumakad na papuntang jump-off

11:00- Akyat
Jump-off

Nag-iba ang aming pagkatao pagtapos magpapicture sa jump-off ng Mt. Maculot. Para kaming mga batang nagmamadaling maglakad dahil sa kasabikan maramdaman muli ang hirap ng pag-akyat ng bundok. Sa una'y parang wala lang sa amin ang paglalakad. Ilang minuto ang lumipas ay nakakapagod na ang daanan, paakyat ito na pakurba. Sobrang daming puno at kakaiba ang trail nito di tulad ng Pico de Loro o Tagapo. Akyat. Pahinga. Akyat. Pahinga. Pinapahirapan kami umakyat dahil sa bigat ng aming bag, sa kakaibang hila ng gravity, sa mga kakaibang kurba ng daanan. Meron kaming nakitang nagbebenta ng Buko Juice. Lahat kami ay bumili at nasarapan sa purong katas ng buko. Bago pa nga kami umalis ay may tinanong kami sa nagbebenta kung sino sa amin ang pipiliin niyang makasama habang buhay kung bibigyan siya ng pagkakataon. Hindi niya masagot yun ngunit tingin siya ng tingin kay Boss K.
Tonton at Mark with Ate Buko


Kami ay naglakad na muli. nakakangawit ang mga daanan. OO, madali lang siya pero nakakaasar yung mga tutusok sayo at hindi mo pa mamalayang mauuntog ka ng malakas. Ang sakit boy, tatlong beses ata ako na-untog paakyat. Napunta kami sa isang magandang pahingahan. May puno ng mangga at maraming batong pwedeng upuan. Dito, nagkwento si Manong Ed ng nakakatakot na storya. Sa puno ng mangga ay may nagpakamatay doon. Hindi alam ang dahilan kung bakit ginawa niya iyon. Ito daw yung tradisyonal na pahingahan ng mga umaakyat dito. Nasa isip ko, kung ito yung pahingahan, bakit walang nakakita sa kanya? Nagtagal kami doon dahil tinuruan kami ni Sir Ed kung paano maging mabuting mountaineer. May tinatawag pa nga siyang BMC(Basic Mountaineering Course) kung saan matutunan ang lahat. Mula first-aid, rappeling, at iba pang kailangan mong malaman sa pag-akyat ng bundok.
Pahinga kung saan may nagpakamatay na mountaineer

Natapos ang usapan, tumayo na muli kami. Ito na ang simula ng assault na matindi. Ito na ang paborito kong parte ng pag-akyat ng bundok: Ang nakakahingal na sunod-sunod na pag-akyat. Dito, gagamitin mo ang lahat, dalawang kamay, paa, mata, at pandinig. Nakagat pa nga ako ng malaking langgam na may kakaibang kulay. Tangina. Sobrang sakit tapos mangangati ng matindi pagtapos ng pagkamanhid nung kagat. Isang oras o mahigit kaming naglalakad. May nadaanang buko juice at doon, muli kaming nagpahinga dahil may masarap na upuan. Pagtapos magyosi at bumili muli ng buko, kami ay umakyat na muli. Akyat. Dulas. Akyat. Dulas. Ang daan dito ay madulas na kasabay ng hila ng gravity.

Sandugo Sandals Kru

Mga grupong nakasama sa pagpapahinga

Ilang oras na pag-aakyat ay may naabutan kaming grupo. Nakakatuwa dahil kami ni Bo ay kaparehas siya ng sandals na ginagamit. Parehas ang stilo, ang brand, at pati ang kulay. Dito, kami nagpahinga ng bahagya dahil ito na ang huling hirap na matatamasa bago makita ang kagandahan. Maraming dumadaan na guide pati mga iba't ibang grupo. Pumunta kami sa gilid upang magyosi muna bago umakyat.

Mga pawis ko'y tumatagaktak na, hinahabol ang aking hinihinga at namamanhid na ang aking mga paa. Sana'y matapos na aming pagdurusa. Gustong-gusto ko na uminom ng tubig ngunit tinitipid ko ito para hindi mahirapan sa susunod na araw. Ang hangin ay malamig ngunit ang sinag ng araw ay sinusunog ang aking mga balat. Ilang minutong pag-akyat, pag-undog sa mga batong hindi napapansin. Ito na. Naririnig na namin ang mga huni ng taong nag-uusap, amoy ng yosi na tinatangay ng hangin at ang kagandahan ay sumisilip na sa aming paligid. Lumipas ang ilang minuto... ITO NA. LAHAT NG PAGOD NA NARAMDAMAN AY BIGLANG NAWALA, TILA NAPUNO ANG ENERHIYANG KINAKAPOS NA KANINA. Ganito ang aking naramdaman nung nakita ang patikim ng kalikasan.





3:00 - Camp Site

Marami nang mga grupo ang nakakampo sa magagandang pagpahingahan. Meron ding tindahan sa tuktok ng bundok. Ang may-ari nun ay yung kapatid ng aming tour guide. Naglakad kami ng malayo, hanggang makakita kami ng upuan na yari sa kawayan. Kanya-kanya kaming ayos sa aming kagamitan. May mga tinapon lang, may mga nakaayos talaga. Ang mga damit naming basa sa pawis ay sinabit muna namin sa punong katabi namin. Inayos namin ang aming mga tent, yung duyan sa puno, at mga pagkain na dapat naming lutuin sa araw na ito.



4:00 - Lunch

Ngayong nakaupo sa kawayan kasama ang mga insektong gumagambala sa aking balat. Kasalukuyang nagluluto si Tonton ng aming kakainin, aming tanghalian. Himig ng musika ang naririnig ko, kasama ang hapolos ng katahimikan na handog ng kalikasan. Katabi ko si Ronnel, isang bago kong nakasama, kasama rin sina Ernest, Kyle, Mark, Engelbert, at Abner. Nilamon nga talaga ang aming kalakasan kaya ngayon ay naghahanda kami para akyatin ang tinatawag na rockies. Nakikita ko ang taal na napupulubutan ng tubig, dama ko ang init ng araw kasabay ang malamig na simoy ng hangin. Iba ang kasarapan na nadarama kasama si Inang Kalikasan. Kitang-kita ang hamog, ang ulap na kay puti, ibong lumilipad sa kawalan at ang kaberdehan ng paligid.

Mga ilang minuto ring lumipas upang makakain kami. Lahat ay hayok na hayok sa mainit na kanin, sa pork and beans na inihain kasabay ng corn beef na halo-halo ng tatak. Ilang minuto rin kaming nanahimik, naging magkaaway sa isa't isa. Pagtapos namin kumain ay kanya-kanyang pwesto kami nagpahinga muli. Meron sa damuhan, meron sa puno, meron din sa duyan. Ang iba naman ay nag-aabala sa paglinis ng aming pinagkainan. Ako'y naidlip ng konti sa duyan. Nagising na lang ako dahil may mga dumadaang grupo upang pumunta doon sa tuktok.

5:00 - AKIS SA ROCKIES

Nakikita sa aming kampo ang mga umaakyat sa rockies. Kaya nung nakita naming kumonti na ang umaakyat. Kami naman. Simula na kaming naglakad, saglit lang naman ang pagpunta doon. Mga ilang minutong akyatan lang. Ang daan namin ay madamo at mabato. Nagdala ako ng konting tubig para kung ako ay ma-uhaw sa pag-akyat. Ilang minutong kwentuhan at kulitan at natatanaw na namin ang kelangan naming akyatin.

Abner

Engelbert

Pagtapos naming akyatin, kami ay namangha sa aming nakita. Hindi kami kumukuha ng litrato dahil ninanamnam namin ang bawat sandali sa kagandahan. Lubos akong naging masaya sa aking nakita. Mga bundok, isla, lawa, at iba't ibang bahay ang nakikita namin. Tila gusto kong lumipad para makita ito ng malapitan. Sana naging ibon na lang ako.
Boss K

Tonton and friends at the view deck