Okay, Isang maiksing kwento ang aking isusulat hango sa kwento ng tsuper na nakausap ko. Hangang-hanga ako sa tiyaga at pagpupursigi niya. Halika at alamin ang kanyang kwento, ang kwento ni Manong Danny ; hindi ito ang kanyang tunay na pangalan. Sayang nga at konting panahon lang kami nagsama. Nagkwentuhan kami habang nag-aantay ng pasahero sa LRT 1 Roosevelt. Halika na at basahin.
Magandang hapon po sa inyo, ako si Manong Danny, isang tsuper. Sabi nga nila'y "Ang driver ay sweet lover," totoo talaga yan. Hindi ko dapat ipagmayabang pero labing pitong taon na kami ng aking asawa, may limang naglulusugang anak at ang aking panganay ay magkokolehiyo na sa susunod na taon. Hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo, maaga kasi ako nag-asawa ; hayskul lang aking natapos ngunit hindi iyon ang naging hadlang sa akin para itaguyod ang aking pamilya. Halos lahat ng legal na paraan ginagawa ko para mabuhay lang sila. may dalawa akong tsikiting at dalawang maghahayskul, ang pag-asa ko lamang ang aking panganay na cum laude sa paaralang pinapasukan niya. Sabi nga sa akin ni Juan, sa PUP ko daw siya pag-aralin, malaki daw ang tulong sa akin ; biro mo isang libo isang semester. Kakayanin ko yun, para sa kanya. Itong aking pagtsutsuper, isa lang ito sa diskarte ko sa buhay. Drayber din ako ng kotse, mamaya nga pagkatapos ko gumarahe, pupunta akong Trinoma at andun yung bossing ko, Ipagdradrive ko siya mula dito hanggang Bicol. Pagtapos ng dalawang araw, nasa Nasugbu, Batangas naman ako. Hindi lang diyan nagtatapos, bago ako bumyahe ay nagluluto muna ako ng pagkaing bahay at pinapabenta sa aking asawa't anak.
Oo, kasalanan ko kung bakit hindi ako nakapagtapos, hindi niyo din ako masisisi kasi sa panahon namin, hindi pa mahal ang bilihin. Piso mo nga malaki na ang mararating eh--- Eh ngayon? piso mo pang kendi na lang. Baduy diba? Pinagsisihan ko naman na hindi ko tinuloy ang aking pag-aaral.Natuto ako dun at pilit kong tinataguyod ang aking pamilya sa malinis na paraan. Hindi mo naman dapat kailangan ng diploma para mabuhay pero kailangan mo ito para umaangat ang estado ng buhay sa sistema natin ngayon. Hindi natin kailangan talagang labanan ang sistema, kelangan lang natin umayon sa daloy ng buhay. Kelangan natin ay diskarte, yun ang dapat hubugin sa bawat mamayang Pilipino. Ang malulupit na diskarte sa buhay, ito ang bumubuhay sa amin ng aking pamilya. Isang araw na nagpahinga ka, malaki ang mawawala sayo o baka lahat mawala sayo. Nakakapagod pero kelangan eh, Tangina kasing gobyernong ito. Mahirap na nga ang buhay lalo pa nila papahirapan dahil sa mga kakupalan na ginagawa nila. Hindi diskarte tawag jan, OO madiskarte sila pero madami silang naapakang tao. Ito ako, dumidiskarte ngunit nakakatulong sa kapwa ko. Yan ang dapat! hindi yung iiputan mo yung tao na nasa baba mo. Nasan na yung bayanihan katulad sa panahon namin? Iba na kasi ngayon eh, kung mahina ka, wala ka. Wala nang aakay sayo, tulad ng dati. Kita mo naman nangyari sa mga kababayan natin na nasalanta ni Yolanda, OO meron silang tinatawag na "tulong" kaso parang pakitang tao lang ang ginawa. Tignan mo nasan si PENOY nung nasalanta sila? Ni pagpunta sa mga nasalanta hindi nagawa. Nawawalan na ako ng pag-asa sa lipunan natin, pero kailangan kong lumaban, kelangan kong magpursigi para mabuhay.
Sabi ko nga kay Juan, "Kelangan natin maging practical, alam kong hilig mo magsulat. Kilala ko yung mga taong binabanggit mo, Inidolo ko din si Dong Abay, kaso wag muna ang puso. Magtapos ka muna at tsaka mo na kunin ang gusto mong kurso.Wala tayong magagawa, kung sawa ka naman sa luho, pwede mong kunin yan. Kaso pare-parehas lang tayo nilalamon ng sistema, konting tiyaga lang." Ayan yung salitang binitawan ko sa kanya bago siya bumaba sa kanilang kanto. Buti nga ay pinakinggan at inintindi niya ang aking punto. Yung iba baka mandiri lang, yung iba huhusgahan lang ako, yung iba magsasalita pa ng masasakit na salita. Nakita ko sa kanyang mata na nakikinig siya, nakikinig sa aking kwento. At alam ko ngayo'y sinusulat niya ito para magsilbing pagmulat niyo sa buhay. Maraming salamat.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento