Huwebes, Hulyo 31, 2014

Lakbay sa Mt. Palay-palay, Pico de Loro (Part 1)

"Anu yan, dejavu?" Itong salitang ito ang gumising sa nanghihinang katawan ko, sinabi ito ni Dar kay Ernst nung pangalawang beses na kuha niya sa aming tinapay. Natawa kaming lahat na parang ulul, isang baliw na parehas natatawa sa iisang bagay. Kay payat na tao ngunit malaki ang kapasidad sa paglamon, parang ginagawang tubig ang bawat pagkain na pumapasok sa bibig niya. Tangina ang lakas talaga. Alas tres na nung huling tingin ko sa orasan, ito'y napakabagal, sinasabik ako sa bawat segundong lumilipas. Habang sila'y natutuwa sa iba't ibang kagaguhan na ginagawa sa loob ng pamamahay ng tropa, ako'y nakatunganga sa ilaw, sa bumbilya ng bahay nila Ab, iniisip ang mararamdaman sa aming lakbay. Lumilipad ang isip ko patungo sa aming paroroonan, sa Mt.Palay-palay, Pico de Loro, kung saan ko mararanasan ang unang beses kong akyat.Hindi alam kung anung mangyayari, hindi alam kung anu ang makikita. Sa larawan lang ang ideya ngunit hindi alam ang hirap."Handa na ba ako?" Sinabi ko sa aking isipan.

Habang nag-aagahan sina Ernst, Dar, at si Don, ako ay naliligo na, sumasabay ang aking pagkasabik sa lamig ng tubig, bawat haplos nito'y ginigising ang tulog kong katawan, kinukuryente sa bawat hagod nito. Naramdaman ko muli ang maligo ng madaling araw, kakaiba ang lamig, nakakasigla parang kape. Pagkatapos kong maligo at magbihis, siya naman itong tawag ng tatlo sa aking cellphone, upang bumaba ako ng apartment. Bago ako bumaba, tinignan ko ang itsura ko sa salamin, naka-camouflage akong pantalon, tsinelas na sandugo, nike na sandong galing sa Divisoria at bonnet kong sira-sira na bigay ng aking ama. Bumababa ako ng hagdan ngunit nasa iba ang isipan, kamuntik na ako madulas at mahulog. Wala ako sa sarili ko, tila may mga daga sa dibdib ko. Nakababa na ako at pinagbuksan sila ngunit ang buong pagkatao ko ay may nararamdamang kakaiba, halong kaba at pagkasabik, halong katapangan at kaduwagan. Binaling ko na lang ang atensyon ko sa ibang bagay, pag-akyat ko ay pumikit ako, naka-upo at unti-unting humihinga. Kinokondisyon ang aking utak at katawan. Tapos nang maligo ang iilan samin, salamat kay Mark, pinahiram niya ako ng tuwalya niyang kay bango. Tapos na din maligo si Ab at ang kanyang pagmamahal, si Jans. Si Dar, Ernst at si Don at sumunod na rin at nahuli ay si Appz. Antagal niyang maligo, akala mo'y nagmamake-up sa loob ng C.R. Babae nga naman, ambagal maligo. Bawat minutong lumilipas napapalitan ang kaba ko sa pagkasabik, mabuti ng ganito, kesa kainin ako ng aking mga daga sa dibdib.

Ala-sais na nung kaming lahat ay nakaalis sa bahay ni Ab, sa tindahan na malapit sa kanila kami naghihintay sa isa pang kasama, si Ezra. Siya yung pinilit naming sumama sa Gabi ng aming paghihintay sa labas ng Pylon. Sobrang teknikal niya, alam na niya yung kasagutan ngunit nilalamon siya ng kanyang paghuhulo. Kung ako kasi ang papipiliin, sasama ako, kahit anung mangyari. Minsan lang mangyari ang ganitong pagkakataon sa buhay natin, bakit kelangan pa pag-isipan kung sasama o hindi? Pero dahil sa aming pagsisikap nina Garban at Mark, nadaan namin sa salestalk kung saan natutunan namin ito sa aming kurso, Marketing Management, ang pandayan ng bolero at bolera(nya a a a). Ilang yosi na aking nasisindihan nung dumating si Ezra, akala ko'y hindi siya dahil tila nagbago ang itsura niya. Hindi ko alam kung dinaya lang ako ng gabi para hindi mapansin ang angkin niyang kagandahan. Simple lang siya, naka-long sleeve, doll shoes na black, naka ponytail at nakasalamin pangbasa. Walang kaartihan sa katawan. Simpleng simple parang kanta ng Eraserheads, hindi komplikado ang tunog ngunit puno ng kagandahan ang liriko. Nag-iigib pa sila ng tubig kaya ang isipan ko ay lumipad nanaman, inaalala ang mga tinuro sakin ni Garban, lalo na sa kakaibang pagtupi ng damit, pag-ayos ng aking bagelya, at kung paano umakyat ng bundok. Sa konting oras na pagsasama namin ni Garban, hindi ko akalain na marami akong natutunan sa kanya.

Handa na ang lahat, kami ay naglakad na papuntang Pureza at doon kami sasakay ng jeep papuntang Recto. Ang bigat ng bagelya ko ay naramdaman ko na, mahigit kumulang na anim na litro ng tubig ang dala ko, naninibago pa ako kahit ang aking balanse. Kamuntik na ako madale sa bandang Recto dahil sa aking katangahan, buti na lang mabaet sa akin si Papa Lord. Nasa terminal na kami ng bus at hinihintay pa namin ang isa naming kasama, si Engelbert. Wala akong ideya kung sino siya, ngayon ko pa lang siya makikilala katulad ni Ezra. Habang hinihintay namin sila, si Mark ay umalis, sumubok maghanap ng Butane dahil kulang kami sa isa. Maraming kulang sa amin, kulang ng bigas, tubig, at mga kagamitang makakatulong sa amin sa pag-akyat. Ito ang bumabagabag kay Garban, ayaw niyang iyon sa akin ngunit kitang kita ko sa mata niya ang pangangamba. Nagyosi muli ako at doon na dumating si Engelbert, kitang kita mo sa hubog ng katawan niya na ilang beses na siyang umakyat ng bundok. Dumating na si Mark at sa kasamaang palad, wala kaming nakitang butane, Tangina, paano kami makakaluto.

Nasa bus na kami, may sari-sariling upuan, magkakatabi ang mga dapat magkatabi. Tila ito'y isang field trip ng mga hayskul students, ang mga maiingay at makukulit ay nasa dulong upuan at yung mga mababaet ay nasa harap pero sa amin, lahat kami ay makukulit parang kami lang ang nakasakay sa bus. Tawanan, gaguhan, at bugoyan ang nangyayari sa loob ng bus. Inuubos ang mga enerhiya upang makatulog sa biyahe. Sa tulong ng haplos ng lamig ng aircon, isa-isa kaming bumabagsak, tumatahimik sabay pipikit hanggang hindi ko na lang namalayan na naka-idlip na pala ako...

Pagdilat ko, timingi ako sa bintana, papungos-pungos ko pang minasdan ang aking kapaligiran ; punong-puno ito ng mga kawayan sa gilid, mga puno na malalaki at mga kabundukan. Nasa terminal na pala kami, dali-dali kong kinalabit ang mga kasama kong tulog pa. Kinuha ang aking bagelya at sabay tumambay sa terminal ng tricycle upang magyosi. Habang dinadama ko ang mabahong usok ng yosi, napansin kong iba na ang amoy ng hangin, amoy probinsya na, salamat at nakaihip din ng masarap na hangin. Naligaw ang aking mata sa mga tricycle na nakaparada, masmalaki ang sidecar nito at pang-barakuhan ang mga motorsiklo nila. Isa-isa kami pumasok, tatlo sa isang tricycle.Hindi ko na matandaan kung sino ang magkakasama, basta alam ko nasa loob ako kasama si Mark. Dumaan muna si Garban at ang kanyang mga kasama upang maghanap ng Butane, ang mahiwagang bala ng lutuan namin. Kami, dire-diretso lang, hindi alam kung bakit hirap na hirapang aming tricycle sa pag-andar, yun pala dahil sa tinatawag nilang "Magnetic Field," paakyat pala kami kaso hindi ramdam dahil dito, akala mo direto lang yun pala pataas. Tangina, nakakabaliw isipin pero yun na yun. May pumukaw sa aking atensyon, isang dagat, sa gitna nito ay may isla. May mga bangka, mga nagigisda yata. Naalala ko ang huling pagsakay ko ng bangka, nung hayskul pa. Sa Lake Luimot doon sa Cavinte, Laguna.

Bumalik ang pagkasabik ko nung bumaba na kami ng trike, sa harap ko ay may makikitang isang tindahan, sa tabi nito ay isang cottage. Pumasok kami at tinignan namin, dito ang registration sa aakyat. Inilagay namin ang aming mga pangalan, kasabay nun ay bumili ako ng saging, dalawa para sa amin ni Ernest. Kinain namin ito habang naghahanda naman ang mga tropa sa pag-akyat. Pictyur dito, pictyur doon. Nakakasabik, nakakaihi, nararamdaman ko na, aakyat na kami, saglit na lang. Nung handa na ang tropa, naglakad na kami palabas, sa highway may sinisindihan kami. May nakita pa kaming naglolongboard, mga matatanda na, siguro nasa mga edaran na 30-35 years old. Nakakaaliw silang tignan, bumebwelo at binibilisan at para silang ahas kung pumadyak.Naisip ko tuloy na sa pagtanda ko, kapag hindi ko na kayang tumalon sa skateboard, magpapalit na ako sa longboard. Ayokong mawala ang paglalaro ng tabla sa aking sistema, ibang-iba ang feeling, parang heaven, para kang lumilipad sa himpapawid.

Nakapasok na sa kelangang pupuntahan, nung una'y nakakapagbiro at naggagaguhan pa. Dumating ang pagkakataon na nakakabingi ang katahimikan, pawis na pawis na ang lahat sa pag-akyat. Umiinom ng tubig upang mawala ang pagod, umuupo sa mga pwedeng upuan. Hindi biro ang pagod na matatamo sa pagsunod sa trail. Akala ko, sa kartoons mo lang makikita ang mga trail sign na tinatawag katulad ng: mga bato na nakapatong-patong, mga lubid na nakatali sa puno, mga scotch tape na kulay puti at ekis sa puno o kawayan. Dito mo malalaman ang kahalagaan ng mga nasa paligid mo. Gagamitin mo sila upang makadaan ng maayos at hindi maantala ang iyong paglalakad. Habang palalim ng palalim ang aming sinuyod na daan, pahirap ng pahirap ang aming daanan. Nung una'y dalawang paa lang ang ginagamit, ngayon, kahit dalawang kamay ginagamit. Humahawak sa mga kawayan o bato, wag lang madulas o mahulog. Ang hirap umakyat, puro kabatuhan, dapat may diskarte sa pag-apak sa mga bato, sila ang iyong matalik na kaibigan. Ilang oras din naming pinagtiyagaan akyatin, maraming tubig na nawala sa aming katawan ngunit hindi pa rin namin nararamdaman ang tuktok. Nakapag-igib naman kami ng tubig kahit papano, sa pangalawang registration, kung saan nagkaroon ng aberya sa pera. Hindi naming inaakala na may pangalawa pang bayarin, tumakas na si Garban at pinagbigyan si Ernst. Iniisip ko, bakit kelangan pa muli magregister kung sa baba ay tapos na? Naramdaman kong pinagkakakitaan lang kami kung sino nagpasimuno nito. Kalikasan ito, yamang ng Pilipino, bakit kelangan magbayad ang kapwa mo Pilipino? Bumalik tayo sa pag-akyat. Nararamdaman ko na ang aking binti ay nahihirapan na, sa bawat pag-akyat ko ng bato ay siya namang upo ko. Ramdam kong hindi ko na kaya, ngunit kelangan ko magpatuloy. Dumating ang aking pag-asa nung madami nang bumababa galing sa daanan na sinusundan namin. Tinanong ng aming kasama kung ilang oras pa ang aming gugulin, may sumagot na 30 minutos, may sumagot na isang oras. Hindi mo alam kung anu ang paniniwalaan mo pero ramdam ko na ang taas namin, alam kong malapit na kami. Tinignan ko ang aking daanan at makikita mong puro bato at ugat ito ng puno. Ito ang mga kailangang apakan paakyat. Lumipas ang ilang minuto na hindi nabilang, nasa base camp na kami...

Humiyaw kami sa tuwa, madapa-dapa pa akong tumakbo, inilagay ang bagelya sa lupa at tinignan ang napakagandang tanawin. Isang tanawin na ngayon ko pa lang nakita. Tanawin na puno ng kapunuan, hamog na sumasayaw, hinahampas ang tuktok. Ibon na lumilipad at sumasayaw sa himpapawid kasabay ang ulap. Ang sarap ng ihip ng hangin, walang-wala sa siyudad, natural, malamig, perpekto. Wala na akong hinihiling pa kundi umupo at pagmasdan ang tanawin. May tumawag samin, si Garban, bago daw kami magsaya, kami ay maghanda muna at magpahinga. Inayos namin ang aming matutulugan, mga tent, tatlo isang tao ulit. Pagkatapos non ay nagtipun-tipon kami upang ibigay ang lahat ng pagkain na meron kami, upang malaman kung paano hahatiin sa isa't isa.Sumunod ay ang paglalabas ng mga tubig na dala sa loob ng aming bagelya upang ma-kontrol ang konsumo nito. Nagsaing na si Garban ng aming kakaining kanin para ngayon, inilabas niya ang mahiwaga niyang lutuan, maliit lang yon, kasing laki ng apat na kaha ng sigarilyo. Habang nagsasaing si Garban, ako'y nakatunganga, nakaupo, tinignan ang kagandahan ng kalikasan, napayosi sa lamig at sarap ng hangin. Dito ko lang naamoy ang pinakamasarap na hangin. Ganito pala ang pakiramdam ng umaakyat ng kabundukan. May napansin ang kasama namin, si Apple, may tao sa bandang tuktok, umaakyat. Akala ko'y tapos na ang aming dilemma, aakyatin pa pala namin yon. Tinitignan ko pa lang ang dinadaanan nila, kinakabahan nanaman ako. Umupo ako sa isang bato, nagmuni-muni at pumikit. Pinalipad ang aking isipan at dinama ang presensya ng tunog ng hangin, unti-unti pinapakawalan ang tunog nito at lumilipat sa huni ng mga insektong hindi ko pa nakikita. Nararamdaman kong gumagaang ako, nawawala ang pagod, nawawala ang problemag bumabalbal sa kautakan ko. May langaw na dumapo sa aking tenga at doon na nawala ang aking focus, napansin ko ang langaw, iba ang kulay nito hindi katulad sa siyudad, parang patay na. Kakaiba siya, umaayon ang kulay niya sa kalikasan, buhay na buhay, punong-puno ng buhay.

Kumain na kami, simpleng salo-salo, tulungan sa pangangailangan. Kain pang-barkada, kain ding pangpamilya, ang sarap ng pakiramdam kapag madaming kasabay sa pagkain, na-miss ko ang ganitong pakiramdam. Pagtapos kumain ay sari-sariling paghugas ng mga ginamit, pati mga basura, dapat maitapon mabuti. Ganito pala yon, dapat may sarling basurahan at dapat ibaba ito at itatapon sa tamang tapunan. At nung maayos na ang lahat, kanya-kanya kami ng trip. May mga dumumi sa gilid, may mga natulog, may mga sumuyod ng magandang tanawin, at ako? ako ay umidlip nanaman. Kasama sa aking pag-idlip ay si Ernst. Hinubad ko ang aking pantalon, iniwan ang boxer at naghubad ng damit. Humiga sa tent at ngumanga..



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento