Huwebes, Disyembre 18, 2014

Tatakutin kita!

Hindi ito yung katulad ng nababasa mo tuwing gabi, mga nakakabaliw at nakaka-ulul na kwento na may iba't ibang konsepto. Hindi ito yung mga espiritu na hindi mo naman nakikita. Hindi ito yung dwende't engkanto na nagtatago sa kalikasan. Hindi rin ito yung mga napapanuod mo sa "Shake, Rattle and Roll" na hindi ko na alam kung ilang beses na pinalabas. Hindi ito yung mga lumalaboy na baliw na basta-basta na lang papatay sa kalsada. Hindi ito tungkol sa serial killer o kahit anong konsepto ng horror sa isipan ninyo. Ilalahad ko lang ang mga nakakatakot na reyalidad sa mundong ito, anu ang mga yon? tara basa.

Ang pinaka-kinakakatakutan natin nung bata tayo ay ang mga multo, paano kung sasabihin ko sa inyo na may multo talaga? Mga boyfriend na kapag nabayo ka na o mabuntis ay bigla na lang mawawala. Mga nililigawan nating babae na kapag pinansin sila ng crush nila'y bigla na lang mawawala parang bula. Andami talagang multo eh. Meron pa, yung professor namin sa world literature hanggang ngayon wala pang paramdam, mga professor na kapag may INC(Incomplete hindi Iglesia ni Cristo) ka sa grades ay hindi mo na makikita, mga taong nawawala tuwing kelangan mo ng pirma nila kapag ika'y may petisyon, at mga professor na talagang tinatamad pumasok at magtatago na lang sa SM Sta.Mesa. Meron ka rin mga kaibigan na multo, yung mga nagkakautang sayo'y bigla na lang mawawala, yung mga tropa mong bigla na lang magpaparamdam kapag hihiram ng pera, mga tropang nagpaparamdam sa bahay ng iyong kasintahan, at mga tropang bagong uwi galing sa ibang bansa. May mga multo sa Cubao, doon sa overpass na walang ilaw, nakakatakot, bigla na lang mawawala ang pitaka sa loob ng bag mo. May mga multo ring nangunguha ng cellphone, yung tipong magpapakita at biglang mawawala(sa katunayan, ito ang naging inspirasyon ko para magsulat). Alam niyo, iilan lang yan sa mga nakakatakot na reyalidad sa mundong ito. Meron talaga, nakakatakot, sobra, kaso hindi mo lang napapansin.

Mga politikong katakot-takot magnakaw sa kaban ng bayan, mga businessman na katakot-takot patayin ang ating kalikasan, mga bansang handang-handa na sugurin at sakupin tayo, ang pagkadumi ng tubig, ang kawalan ng malinis na hangin, kagutuman ng sangbayanang Pilipino, pagkawala ng Pilipino sa diksyonaryo, at ang kawalan ng tinatawag nating kalayaan---meron nga ba nito? Para sa akin, wala. Nakatago tayo sa ilusyon kapayapaan na binibigay sa atin ng dayuhang nagmamay-ari ng Pilipinas. Bakit kaya may Treaty on Paris? paano kung hanggang ngayo'y hawak pa din tayo ng Amerikano? hindi ka ba natatakot na ang---sarili mong bansa, dayuhan ang nagmamay-ari? Ang sakit isipin na nabubuhay lang tayo upang matugunan ang pangangailangan natin, oo, kinakapos ka na nga, tumataas pa ang bilihin. Kalayaan ba ang dito---yung tipong magtratrabaho ka lang ng buong buhay mo at hindi mo magagawa ang kagustuhan mo? kalayaan ba yon? sa tingin ko, hindi. Ang kalayaan ay kalayaan, kalayaan mong gawin at sundin ang kagustuhan mo. Kung gusto mong maging doktor, magiging doktor ka, hindi yung magiging inhinyero dahil yun ang kailangan. Kung gusto mong maging Abogado, magiging abogado ka dahil kagustuhan mo, oo, kaso mahirap mag-abogasya dahil mahal ang bayarin para dito. Hindi ka pa rin ba natatakot? Isipin mo ang magiging apo ng apo ng apo ng anak mo, maganda kaya ang buhay na matatamasa nila o--- masmalala pa dito? Sana hindi naman, hindi pa huli ang lahat para pandayin muli ang baluktot na pananaw ng lipunan. Huwag kang matakot kahit tinatakot kita, ilusyon lamang yan, huwag ka magbingi-bingihan sa mga salitang nababasa mo ngayon. Kelangan mo kumilos bata, ikaw ang pag-asa ng bayan, hanggang ngayon ay naniniwala pa rin ako sa sinabi ni Rizal pero kapag tumitingin ako sa karamihan ng kabataan na nalason ang isipan ng katakot-takot na manunulat na ito, tangina, biglang ako nagiging Ipokrito. Isa rin iyon sa kinakatakot ko, ang pagbaba ng batayan ng literatura sa ating henerasyon, bakit ito pinapasok ng katakot-takot na publishing companies na gumagawa ng katakot-takot na libro na sa pamagat pa lang ay mapapa-iling ka na lang? Hindi ko alam kung may nakapagsabi na nito pero ang literatura ang humuhubog sa hinaharap---at kung pababa ito ng pababa, isa lang ang eksplenasyon ko jan, pabobo tayo ng pabobo. Hindi ka ba natatakot na maging bobo?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento